ANG PASKO SA PILIPINAS
           (Christmas in the Philippines)

Kapag pasko'y dumarating sa bayan ng Pilipinas,
Ang lahat ay nagdiriwang, ang lahat ay nagagalak;
Maging dukha man ang tao at ang buhay ay mahirap,
Sa hapag ng paminggalan may pagkaing masasarap.

Tanda ko pa noong araw pag ang pasko ay sasapit,
Sa harap ng aming bahay may parol na nakasabit;
Tuwing gabi ay maraming mga bata sa paligid,
Sa pinto ng bawat bahay ay masayang umaawit.

Pagsapit ng hating-gabi sa araw ng kapaskuhan,
Marami sa Pilipino'y nagpupunta sa simbahan;
Doon sila'y taos-pusong sa Diyos ay nadarasal,
Na sana ay sumagana ang daloy ng pamumuhay.

Marami sa Pilipino pagkatapos na magsimba,
Dumadaan sa tindahang nasa gilid ng kalsada;
Doon sila'y kumakain ng masarap na paninda,
Katulad ng puto-bumbong at mainit na bibingka.

Ang pasko sa Pilipinas ay tunay na ibang-iba,
Sa puso ng mga tao'y may damdamin ng pag-asa;
May kakambal na pag-ibig, may kapilas na ligaya,
May kalakip na dalanging buhay sana'y humaba pa.

Ang dakilang minimithi nating mga Pilipino
Na matupad ng lubusan sa pagsapit nitong pasko;
Magkasundo naman sana ang tao sa buong mundo
Na iwasan ang digmaang papatay sa mga tao.

                                   Cayetano G. Santos, M. D.
                                                12-02-11