SA AKING PAGTANDA
Sa aking pagtanda ako'y may habilin
Na ibig ko sana na inyong tuparin;
Kapag malabo na ang aking paningin,
Sa aking paglakad ako ay akayin.
Kapag ang usapan sa aking paligid
Ay hindi malinaw sa aking pandinig;
Ang pakiusap ko'y huwag maiinis,
Kung sasabihin kong lakasan ang boses.
Sa aking pagtanda'y mahina ang tuhod,
Kung ako'y lumakad may hawak na tungkod;
Huwag magsasawa na kayo'y maglingkod,
Upang mapawi ang hirap ko at lungkot.
Sa aking pagtanda'y huwag magagalit,
Kung ang sinabi ko ay paulit-ulit;
Tandaan pa ninyong sa taglay kong isip,
Ang nakalipas ay madaling mawaglit.
Sa aking pagtanda'y unawain sana,
Ang hinihingi kong kayo'y magpasensya;
Marami ang bagay na hindi ko kaya,
Hindi ko na kaya na magampanan pa.
Totoo na ako'y madalang maligo,
Huwag pandirihan kung ako'y mabaho;
Hindi ko na kayang gumamit ng tabo,
Dahil sa masakit pag ako'y yumuko
Kung ako'y mag-isa ako'y kausapin,
Upang di-mabagot at hindi bugnutin;
Ang kailangan ko'y inyong paglalambing,
Upang lumigaya ang puso't damdamin.
Ang buhay ng tao'y may takdang tadhana,
Na ang tinutungo'y landas sa pagtanda;
Pagsikapan natin na laging maghanda,
Sa oras na tayo'y kunin ni Bathala.
Cayetano G. Santos, M. D.
Tallahassee, Florida
-"In My Old Age" was published in Tambuli Fall 2009.