AMERIKA
Noong ako ay dumating sa bayan ng Amerika,
Ang damdaming naghahari'y kalungkutan at pangamba;
Ngunit ako'y paniwala at matibay ang pag-asa,
Na ang buhay na darating ay magiging maligaya.
Sa bayan ng Amerika ay agad kong nasaksihan,
Ang maraming mga tao na nagwagi't nagtagumpay;
Ang puspusang pagsisikap ang ginawang kasangkapan,
Upang lubos na bumuti't umunlad ang pamumuhay.
Sa bayan ng Amerika ay akin ding masasabi,
Ang batas at katarungan sinusunod ng marami;
Kung meron mang nagkasala na mayaman o pulubi,
May hukumang maglilitis may parusang igaganti.
Ang bayan ng Amerika'y binubuo ng dayuhan,
Na galing pa sa maraming iba't-ibang mga bayan;
Iba-iba ang ugali, iba-iba ang usapan,
Ngunit isa ang layuning sa buhay ay magtagumpay.
Sa bayan ng Amerika kung ikaw man ay mahirap,
At hindi mo makayanang tustusan ang iyong anak;
Sa paglutas ng problema'y madali kang makahanap,
Dahilan sa may gobyernong tutulong ng buong tapat.
Ang bayan ng Amerika'y huwaran ng demokrasya,
Inaakit na sumanib mga bansang komunista;
Ang dasal ko kay Bathala'y patnubayan Mo po sana,
Basbasan Mo't pagpalain ang bayan ng Amerika.
Cayetano G. Santos, M. D.
Tallahassee, Florida.
-"Amerika" was published in Tambuli Spring 2009.