TERORISMO

Pagsikapan natin na sa bagong taon,
Maging tahimik ang takbo ng panahon;
Kapit-bisig tayo at magtulong-tulong,
Upang terorismo ay ating malipol.

Maraming problema sa buong daigdig,
Malagim na takot ay nasa paligid;
Ang buhay natin ay naging mapanganib
Dahil terorismo ay naging malimit.

Maraming nasawi sa lunsod ng New York,
Dahil sa nangyaring kakila-kilabot;
Dalawang gusali'y biglang pinasabog
Ng terorista na parang mga hayop.

Ang terorismo ay dapat na isumpa,
Puspusang labanan upang masawata;
Dapat parusahan sino mang nilikha,
Na naging kasangkot sa ganitong gawa.

Hindi papayagan ng ating pangulo
Na ang terorismo'y kumalat sa mundo;
Uusigin sila sa lahat ng dako,
Dahil sa layunin na maka-demonyo.

Ipagdasal natin sa Poong Maykapal
Na ang Pilipinas sana'y magtagumpay;
Sa pagpapatigil at pakikilaban,
Sa terorismo na salot nitong bayan.

Cayetano G. Santos, M. D.
Chattahoochee, Florida

-"Terrorism" was published in Tambuli Dec 2002.