SA IYONG PAGPANAW

Masakit tanggapin ang katotohanan,
Na naroon ka na sa kabilang buhay;
Nguni’t asahan mong kaming iniwanan,
Ang kaluluwa mo ay ipagdarasal.

Sa iyong pagpanaw ay iyong baunin,
Ang masayang araw na samahan natin;
Paka-asahan mong hindi lilimutin,
Dakila mong puso’t banal na damdamin.

Tanda ko pa noon, minsan sinabi mo,
Minsan lang mabuhay ang tao sa mundo;
Kaya pagsikapang itanim sa ulo,
Ang laging tumulong sa lahat ng tao.

Tayong Pilipino ay may kasabihan,
Dapat patawarin ang may kasalanan;
Kung kami sa iyo ay may pagkukulang,
Ang pakiusap ko’y patawad na lamang.

Sa iyong pagpanaw, kami’y nalulungkot,
Luha’y tumutulo, puso’y kumikirot;
Ang aming dalangin na maging kasunod,
Buhay mong masaya sa piling ng Diyos.

Ang tanging handog ko sa iyong pagpanaw,
Ay abang tula kong likha ng isipan;
Kaming Pilipinong iyong kababayan,
Pag-ibig sa iyo ay walang kapantay.

…Cayetano G. Santos, M. D.

-"On your Passing" was published in Tambuli Dec. 1999.