ANG LAKI SA LAYAW
Ang laki sa layaw at kaginhawaan,
madalas magbunga ng masamang asal;
hindi alintana hirap ng magulang
laging iniisip ay sarap sa buhay.
Ang laki sa layaw madalas ay tamad,
walang malasakit, hindi nagsisikap;
damdamin ng ina sa irog na anak,
tigib ng pighati, lungkot, at bagabag.
Ang laki sa layaw ay ibang kumilos,
kulang sa pitagan, bastos kung sumagot;
kapag inutusan hindi sumusunod,
pag pinagpayuhan, agad nagdadabog.
Kung ang anak natin ay laki sa layaw,
nagumon sa bisyo na alak at sugal;
tayo ay magbuklod, ating ipagdasal
na sila’y tulungan ng Poong Maykapal.
...Cayetano G. Santos, M. D.
Chattahoochee, Florida
-"Spoiled Brat" was published in Tambuli Sept. 2000.