ANG AWIT AT SAYAW
(Noon At Ngayon)

Noon:
Ang awit noon ay matamis pakinggan,
gamit sa harana kapag nangliligaw;
sa lahat ng dako pag pista ng bayan,
laging maririnig, himig ng kundiman.
Ngayon:
Ang awit ngayon ay masyadong maharot,
gamit na salita’y malaswa at bastos;
nakabibingi pa ang saliw na tugtog,
katulad ay bombang biglang sumasabog.
Noon:
Dalaga’t binata’y magandang magsayaw,
sa pag-indak nila’y mahinhin ang galaw;
sa saliw ng piano’t lambing ng kundiman,
hinagpis ng puso’y biglang napaparam.
Ngayon:
Dalaga’t binata’y magaslaw magsayaw,
masakit sa mata kapag pagmamasdan;
ang kilos ng paa’t galaw ng katawan
ay tulad ng aso’t pusang nag-aaway.

…Cayetano G. Santos, M. D.
Chattahoochee, Florida


-"The Song and Dance (Then and Now) was published in Tambuli June 2001.