SA INYONG PAGLAYO
“Tulang handog kay Bert at Ging Lingao
sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas”

Malungkot tanggapin ang katotohanan
na kayo’y lalayo’t kami’y iiwanan;
sa inyong paglayo, sana ay tandaan
sa pagbalik ninyo, kami’y maghihintay.

Sa inyong paglayo ay inyong isama,
ang aming hangaring kayo’y lumigaya;
pagdating ng araw, kami’y umaasa
na kayo at kami’y muling magkikita.

Sa inyong paglayo ay inyong baunin,
ang masayang araw na samahan natin;
kung aming nasaktan ang inyong damdamin,
ang pakiusap ko, kami’y patawarin.

Sa inyong paglayo, kami’y nananangis,
puso’y nagdurugo’t tigib ng hinagpis;
ang aming dalangin na maging kapalit,
kayo’y magtagumpay sa lahat ng saglit.

Alam naming lahat na kayo’y masaya,
sa pagbalik ninyo sa bayan ng Lipa;
sa Lipa nangyari, doon nagpakita,
Ang mahal na birheng si Santa Maria.

Kung sakali namang sa inyong pagdating,
biglang maghimala ang mahal na birhen;
pag ito’y nangyari, ang ibig sabihin,
susundan kayo sa inyong gagawin.

Kayo ay umasang pagdating ng araw,
sa bayan ng Lipa, kami ay dadalaw;
sa aming pagdating ay inyong tandaan,
lulusubin namin ang inyong tahanan.

Sa aming pagdating ay inyong ihanda,
pagkaing masarap na dito ay wala;
pinaksiw na litson at burong talangka,
ihain sa amin hanggang sa magsawa.

Kung sakali namang kayo’y naabala
sa aming pagdalaw, maraming nagasta;
ang aming pangako, kayo ay umasa,
na kami’y gaganti sa inyong dalawa.

Sa inyong paglayo ay ito ang alay,
isang abang tulang katha ng isipan;
ang tanging samo ko ay inyong ingatan,
itago’t mahalin habang nabubuhay.

Cayetano G. Santos, M.D.
Tallahassee, Florida, USA

-"On Your Departure" was published in Tambuli Sept. 2001.