SA IYONG PAGYAO
“Tula na alay sa kamatayan
ni Dr. Aurora C. Lingao.”
Sa iyong pagyao, kami’y lumuluha,
tigib ng hinagpis ang puso at diwa;
hindi mawawalay sa aming gunita,
matamis mong ngiti at maamong mukha.
Ang buhay ng tao’y galing sa alabok,
alabok din tayong kukunin ng Diyos;
sa iyong pagyao’y isama sa puntod,
gintong alaala ng iyong bantayog.
Kung sa libingan mo ay iyong mapansin,
mabangong bulaklak na galing sa amin;
lubos mong asahang ang ibig sabihin,
pag-ibig sa iyo’y hindi magmamaliw.
Sa iyong pagyao, aming tatandaan,
na ikaw at kami’y nagsamang matagal;
ang iyong ugali’t busilak na asal
ay katangian mong dapat na tularan.
Masakit, mahirap, malungkot isipin,
na ikaw ay sadyang wala na sa amin;
ang aming adhika’t taos na dalangin,
Diyos na dakila’y iyong makapiling.
Sa sandaling ito ng iyong pagpanaw,
tiklop-tuhod kami na nakikiramay;
haharapin namin ang katotohanan
na lahat ng tao ay may kamatayan.
Cayetano G. Santos, M.D.
Tallahassee, Florida, USA
November 15, 2001
-"On your Passing" was published in Tambuli Dec. 2001.