DIWA NG PAGLAYA
Matagal na tayo’y inapi’t dinusta,
Nang tayo’y sinakop ng mga Kastila,
Tayo’y inalipin, ginawang alila,
Kaya naghimagsik upang makalaya.
Sa Kawit, Cavite unang itinanghal,
Diwa ng paglaya nitong ating bayan;
Paglaya’y nakamit dahilan sa tapang,
Ng ating bayaning mga katipunan.
Ang ating paglaya ay biglang napawi,
Nang tayo’y sinakop ng dayuhang puti;
Tayo ay nagdusa sa pamimighati,
Sa pakikihamok, maraming nasawi.
Dahil sa digmaang tayo ay tumutol,
Muling napasangkot tayong mga Pinoy;
Tayo ay nadamay dahil tayo’y kampon,
Ng Amerikanong kaaway ng Hapon.
At ngayong tayo ay ganap na malaya,
Malayang katulad ng maraming bansa;
Huwag pabayaang tayo’y masalanta,
Ng mga dayuhang may pusong masama.
Malugod batiin ang bukang liwayway,
Kung sa paggising ay may kalayaan;
Matamis harapin ang kinabukasan,
Kung tayo ay malaya at walang dayuhan.
Cayetano G. Santos, M.D.
-"The Essence of Freedom" was published in Tambuli June 2002.