ANG HIRAP NG MAYAMAN

Ang lahat ay ibig na maging mayaman,
Upang matupad ang pangarap sa buhay;
Ngunit't ang salapi ay ugat kung minsan,
Ng mga siphayo, inggit at alitan.

Dahil sa salapi ay may mga anak,
Maglustay ng pera ang inaatupag;
Nawala sa isip ang maging masikap,
Walang alam gawin, batugan at tamad.

Madalas mangyari dahil din sa yaman,
Maraming nalulong sa alak at sugal;
Marami ang naging sakim at gahaman,
Maraming nalasing sa kapangyarihan.

Ang labis na yaman ay nagiging sanhi,
Ng maruming mithi't masamang ugali;
Nagiging maitim ang puso at budhi,
Walang sinasamba kundi ang salapi.

Ang yaman ng tao ay tulad ng bula,
Na sa kisap-mata'y biglang nawawala;
Mabuti pa ang maging mahirap at dukha,
Kung ang pamumuhay ay lipos ng tuwa.

Ang buhay ay parang gulong ng sasakyan,
Minsan sa ilalim, minsan sa ibabaw;
Maging mahirap man o maging mayaman,
Sa mata ng Diyos tayo'y pantay-pantay.

Cayetano G. Santos, M. D.
Plaridel, Bulakan

-"The Danger of Being Rich" was published in Tambuli Sept. 2002.