TAGO NG TAGO
(TNT)
Si Mario at Maria ay sabay umalis,
Iniwan ang anak, lungkot ay tiniis;
Ang tanging pangarap na taglay sa isip
Ay ang makabangon sa dusa't hinagpis.
At sa Amerika, nang sila'y dumating,
Hindi halos alam ang dapat na gawin;
Luha'y tumutulo, puso'y naninimdim,
Dahil sa problema na dapat harapin.
Palibhasa sila'y totoong "illegal"
Kaya sa trabaho'y walang mapasukan;
Ang salaping baon ay agad nalustay
At napalayas pa sa upahang bahay.
Kahit saang dako sila mapatungo,
Tulad ay kriminal na tago ng tago;
Matindi ang takot at kaba ng puso,
Na sila'y mahuli o kaya'y maturo.
Dahil sa tunay na wagas ang layunin,
Dakila ang puso't banal ang damdamin;
Sa tinagal-tagal pag-asa'y nagningning,
Nang ang "Amnesty" ay biglang dumating.
"Maraming salamat, bayang Amerika"
Ang naibulalas ni Mario at Maria;
"Kami'y Pilipino na dito'y nagpunta,
Binigyan mo kami ng bagong pag-asa"
Magmula nga noon sila'y nagsumikap,
Subsob sa trabaho, tiniis ang hirap;
Nagdaan ang araw, taon ay lumipas,
Muling nakapiling ang iniwang anak
At ngayon sila ay masaya ang buhay,
Walang kahulilip ang kaligayahan;
Kung may Pilipino na may kailangan,
Taimtim sa puso na tinutulungan.
Cayetano G. Santos, M. D.
Florida State Hospital
Chattahoochee, Florida
-"Always Hiding" was published in Tambuli June 2003.