ANG PARING KATOLIKO
(The Catholic Priest)
Alam kong ang pari ay taong mabait,
Busilak ang puso't mapagmalasakit;
Kung may kasalanan, tayo'y lumalapit
At nangungumpisal ng taos sa dibdib.
Ang pari ay dapat na maging huwaran,
Ng dakilang gawa at banal na asal;
Ang pari ay sugo ng Poong Maykapal.
Upang sagipin ang ating kasalanan.
Ako'y nalulungkot sa mga nangyari,
Sa mga nangyari na hindi mabuti;
Paring katoliko ay inaatake.
Dahil sa ginawang malaswa't marumi.
Maraming pintas sa paring katoliko,
Dahil sa balitang mga iskandalo;
Marami raw pari ang nang-aabuso,
Sa mga babae na nasa kumbento.
May paring nasakdal dahil ginahasa,
Ang isang maliit at musmos na bata;
Dahil sa ginawa na nakakahiya,
Tiwala sa pari ay biglang nawala,
Ang pari'y tao rin na tulad ng iba,
May puso't damdamin na nagagayuma;
Ang dapat mangyari ay payagan sila,
Payagan na sila'y makapag-asawa.
Cayetano G. Santos, M. D.
Plaridel, Bulakan
-"The Catholic Priest" was published in Tambuli Sept. 2003.