ANG KANDIDATO

Panahon na naman na ating piliin,
ang dapat iboto na pangulo natin;
tayo ay mag-ingat, isip ay gamitin,
piliin ang taong angkop sa tungkulin.

Ang kandidato raw na maging pangulo,
ay hindi nag-aral, kulang sa talino;
walang karanasan, hindi Pilipino,
huwag naman sana na siya'y manalo.

Sa maraming bayan, madalas makita,
mga kandidato ay puro artista;
hindi man totoo, ang sabi ng iba,
para raw manalo, mag-artista muna.

Dahil sa maraming taga-hanga't kampon,
maraming artista ang naging senador;
kaya ang nangyari sa buhay ng pinoy,
sa pagkakalugmok, hindi makabangon.

Marami sa mga kumakandidato,
maruming layunin ang laman ng ulo;
sila'y paniwala na kapag nanalo,
madali't mabilis maging milyonaryo.

Labis na mahirap ang buhay sa atin,
dahil sa "corruption" na hindi mapigil;
kandidatong ganid na binoto natin,
ang tunay na sanhi at dapat sisihin.

Marami ang tao na may paniwala,
ang sakit ng bayan ay sobrang malubha;
wala na raw lunas, walang magagawa,
kahit na sino ang pangulo ng bansa.

Tayong Pilipino ay may kasabihan,
pag-asa'y laganap pag sikat ng araw;
sa muling pagsapit ng bukang liwayway,
lumigaya sana ang takbo ng buhay.

Cayetano G. Santos, M. D.
April 13, 2004

-"The Candidate" was published in Tambuli Mar. 2004.