ISIP ALIMANGO
(Crab Mentality)
Ako'y maghahagis ng mabahong putik,
kung kayo'y tamaan, huwag magagalit;
hindi biro, ito'y pahiwatig,
sa mga kasaping walang malasakit.
Tayo'y Pilipino na dito'y dayuhan,
kung may nagigipit ay dapat tulungan;
‘pag sa ating puso'y inggit ang umiral,
saan man pumunta tayo'y tatawanan.
Ang pintas sa ating mga Pilipino,
may taglay daw tayong isip-alimango;
‘pag may sumisikat at umaasenso
ay sinisiraan at iniinsulto.
May taong maramot, sakim, at gahaman,
at likas na tuso sa lahat ng bagay;
mahusay humingi ng tulong at damay,
nguni't pag hihingan ay ayaw magbigay.
Ang masamang asal ay ating baguhin,
inggit at alitan ay ating limutin;
ang pagtutulungan ang maging layunin
upang magtagumpay ang samahan natin.
— Cayetano G. Santos, M. D.
-"Crab Mentality" was published in Tambuli June 2004.