AKO AY PILIPINO
(I’m a Filipino)
Ako'y Pilipino sa isip at gawa,
malinis ang budhi, puso ay dakila;
pag ako'y inapi, pag ako'y dinusta,
dadanak ang dugo, papatak ang luha.
Ako'y Pilipino, tao na matapang,
hindi tumatakbo sa patas na laban;
kapag may lulusob na mga dayuhan,
handang ipagtanggol ang dangal ng bayan.
Ako'y Pilipino, taong madasalin,
pagsamba sa Diyos ay walang kahambing;
kung ako'y magdasal, wagas at taimtim,
na buhat sa puso, diwa, at damdamin.
Ako'y Pilipino, likas ang talino,
sa mata ng lahat ay taas ang noo;
kung may hihingi ng damay at saklolo,
kahit na kaaway ay tutulungan ko.
Ako'y Pilipino na hindi maramot,
marunong tumanaw ng utang na loob;
kung may kababayang gipit at hikahos,
ako'y nakahandang tumulong ng lubos.
Ako'y Pilipino, bayan ay nilisan
at sa Amerika ay isang dayuhan;
umalis man ako sa mahal kong bayan,
puso ko't pag-ibig, doon maiiwan.
Cayetano G. Santos, M. D.
Chattahoochee, Florida
-"I am a Filipino" was published in Tambuli Dec. 2004.