THE CORRUPT GOVERNMENT
Ayaw kong pintasan ang ating gobyerno
dahil sa puso kong maka-Pilipino;
nguni't sa dahilang bayan ay magulo,
babatikusin ko ang ating pangulo.
Si Gloria Arroyo ay inakusahan,
nandaya raw siya sa huling halalan;
kung ito'y totoo at mapatunayan,
siya ay dapat na itakwil ng bayan.
Kung meron man siya na "delikadesa",
sa pagka-pangulo magbitiw na sana;
tiwala ng bayan ay halos wala na,
kaya madalas ang "rally" sa kalsada.
Ang sigaw ng bayan ay sobrang malakas,
sa lahat ng dako ay lumalaganap;
ang isinisigaw:"Arroyo'y ibagsak",
palitan ng taong may budhing busilak.
Sabi ng marami na kahit sino pa,
ang maging pangulo'y walang pag-iiba;
ang buhay ng tao'y kulang sa ginhawa,
dahil sa gobyernong "corrupt" na talaga.
Ang dapat sisihin ay ang mga tao
na nanunungkulan sa puestong gobyerno;
dahil sa "corruption" ang pang-aabuso,
ang pera ng bayan nasimot ng husto.
Mga kababayan tayo ay gumising
sa napakatagal na pagkakahimbing;
ang "rampant corruption"sa gobyerno natin,
ang una at dapat na ating hawanin.
Cayetano G. Santos, M. D.
-"The Corrupt Government" was published in Tambuli Sept 2005.