BALIK - BAYAN
. . . Cayetano G. Santos, M. D.
Ako'y nasasabik na nagbalik-bayan
upang makita ko't muling maranasan
ang maging kapiling ang mahal sa buhay
na aking iniwan ng napakatagal.
Ako ay maraming dalang pasalubong
sa aking kapatid at mga kanayon;
agad kong napansing paglipas ng taon,
ang bilang ng tao'y naging milyon-milyon.
Ang pook na dati'y malawak na bukid,
bahay at gusali ang nasa paligid;
maraming sasakyan ang humahagibis,
maingay ang pook na dati'y tahimik.
Maraming pulubi sa mga lansangan,
maraming basura sa gilid ng daan;
masansang ang amoy ng hangin sa bayan,
dahil sa mausok ang maraming lugar.
Ako'y napaiyak nang biglang lumapit,
isang batang musmos, ganito ang sambit:
"ako'y nagugutom, ina ko'y may sakit,
tulungan mo kami sa dusa't hinagpis".
Sa labis kong awa ay agad binigyan
ng perang pambili ng kanin at ulam;
sa labis na tuwa ako'y hinalikan,
patnubayan daw ako ng Poong Maykapal.
Sabi ng maraming mga Pilipino,
mahirap ang buhay sa lahat ng dako;
ang tunay na sanhi't talagang totoo
ay dahil sa labis na dami ng tao.
Sa muling pagbalik sa mahal kong bayan.
guminhawa sana ang takbo ng buhay;
ang hinihiling ko't taimtim na dasal,
pagdami ng tao sana'y mapigilan.
- "The Ex-patriot" was published in Tambuli Dec. 2005.