PAGBATI
This poem is dedicated to Dr. & Mrs. Paul Leano of
Chattahoochee, Florida on the occasion of their 50th
wedding anniversary.
Tanda pa raw nila nang sila'y ikasal,
Limampung taon na itong nakaraan;
Dahil sa pagsuyong wagas at dalisay,
Sila'y pinagbuklod ng Poong Maykapal.
Sa limampung taon na sila'y nagsama,
Nagsama ng tapat bilang mag-asawa;
Sa tulong ng Diyos ito ay nagbunga,
Ng anak at apong kahali-halina.
Ang pag-aasawa ay isang sumpaan,
Ng dalawang puso na nagmamahalan;
Maging mahirap man ang takbo ng buhay,
Sila'y nakahandang ito'y pagsaluhan.
Sila'y Pilipino, iba't pambihira,
Dahil sa kristiano't puso ay dakila;
Ang pag-aasawa ay banal na gawa,
Na binabasbasan ng Poong Bathala.
Ang ginawa nila ay dapat tularan,
Ng lahat ng tao na ibig pakasal;
Sa buhay ng tao ay dapat tandaan,
Ang pag-aasawa'y hanggang kamatayan.
Sa araw na ito kami'y bumabati,
Sa limampung taong kayo'y namalagi;
Dahil sa busilak ang inyong ugali,
Patnubay ng Diyos sana'y manatili.
. . . Cayetano G. Santos, M. D.
- "Greetings" was published in Tambuli Mar. 2006.