ANG HALALAN
(The Election)

Araw ng halalan ang "November 7"
Ang nanalo sanang ibinoto natin
Ay taong malinis ang budhi't damdamin,
Dakila ang puso't tapat sa tungkulin.

Marami sa mga kumakandidato,
Madalas magsabi ng hindi totoo;
Hindi nakikinig sa gusto ng tao,
Kapag nahalal na ay umaabuso.

Maraming senador at mga "congressman"
Ang inaatupag ay ang magpayaman;
Sakim sa salapi, madaling suhulan,
Madalas masangkot sa gawang "immoral"

Karapatan natin na tayo'y pumili
Ng kandidato na banal ang ugali;
Huwag pabubuyo't huwag mabighani,
Sa mga pangakong madaling mabali.

Dahil natapos na ang huling halalan,
At nakilala na ang taong nahalal;
Ano naman kaya ang kinabukasan?
Ng maraming tao na hirap sa buhay.

Ang panawagan ko'y magkaisa tayo,
Magtulungan tayo upang umasenso;
Ang nanalo sanang mga kandidato
Ay tulungan tayong mga Pilipino.

. . . Cayetano G. Santos, M. D.
           Tallahassee, Florida

- "The Election" was published in Tambuli Fall 2006.