DIGMAAN SA IRAQ
(War In Iraq)
Nang ang Amerika'y lumusob sa Iraq,
Marami ang bansa na hindi pumayag;
Ang mga Iraqi ay nakikiusap,
Na ang Amerika ay agad lumayas.
Maraming namatay na mga sundalo,
Dahil sa digmaang hindi natin gusto;
Ang dapat sisihin sa nangyaring ito,
Ay maling palakad ng ating gobyerno.
Maraming magulang, asawa't kapatid,
Ang naging ulila at naghihinagpis;
Takot at pangamba ang laman ng isip,
Dahil sa may buhay na nasa panganib.
Dahil sa digmaan na ayaw ng tao,
Maraming natalong mga kandidato;
Ang karamihan ay mga kapartido,
Na sumang-ayon sa gusto ng pangulo.
Marami ang tao na nananawagan,
Sa ating pangulo na halal ng bayan;
Huwag pabayaang buhay ay masayang,
Dahil sa digmaang dapat kasuklaman.
Tayong Pilipino ay magsama-sama,
Sabihin sa ating mga kongresista;
Digmaan sa Iraq ay walang halaga,
Sa lalong madali'y itigil na sana.
. . . Cayetano G. Santos, M. D.
Tallahassee, Florida
- "War in Iraq" was published in Tambuli Winter 2007.