ANG HIRAP NG BUHAY
Mahirap talaga ang buhay sa atin
Dahil sa maraming nakawan at krimen;
Marami ang taong kulang sa pagkain,
Sa hirap ng buhay tao'y dumaraing.
Ano raw ang gamot upang malunasan?
Ang dinaranas na hirap nitong bayan;
Ang tunay raw sanhi nitong kahirapan
Ay sobrang pagdami ng tao sa bayan.
Madaling mapansin sa lahat ng dako,
Lansangan ay puno ng maraming tao;
Masikip ang daan, trapik ay magulo,
Daloy ng sasakyan mabagal ang takbo.
Marami ang Pinoy na nag-ibang bayan,
Nagtiis ng lungkot, pamilya'y iniwan;
Ang tanging layunin ay upang mabigyan
Ng magandang bukas ang mahal sa buhay.
Marami ang Pinoy na walang trabaho,
Kung may trabaho man maliit ang sueldo;
Ang dapat sisihin sa problemang ito
Ay maling palakad ng ating gobyerno.
Ang mga Pinoy na ginhawa ang buhay
Na sa Amerika ay naninirahan;
Pagsikapan nating bayan ay tulungan
Upang makabangon sa hirap ng buhay.
. . . Cayetano G. Santos, M. D
Tallahassee, Florida
- ""Life's Struggle"" was published in Tambuli Summer 2006.