SUHOLAN SA MALAKANYANG
(Bribery In Malakanyang)

May mga nangyari na kasuklam-suklam,
Nangyari sa loob nitong Malakanyang;
May mga gobernor at mga kongresman,
Nasangkot sa isang maruming suholan.
 
Kalahating milyon ang perang halaga,
Lihim na inabot na para ibulsa;
Ngunit ang gobernor na taga-Pampanga,
Tumangging tanggapin ang suhol na pera.
 
Dahil siya'y pari na naging gobernor,
Si Father Panlilio'y tumanggi sa suhol;
Ang suhol na pera ay galing sa kampon
Ni Gloria Arroyo na pangulo ngayon.
 
Ang suhol na pera'y upang mapigilan,
Ang kasong "impeachment" sanhi ng "scandal"
Hindi raw totoong siya ang nahalal,
Dahil ang panalo'y bunga ng dayaan.
 
Ang isinisigaw ng maraming tao,
Magbitiw si Gloria sa pagka-pangulo;
Dahil ang asawa'y kasangkot sa gulo,
Ang galit ng tao'y sagad na sa buto.
 
Ang ating pangulo'y walang kahihiyan,
Ayaw isiwalat ang katotohanan;
Pilit kumakapit sa kapangyarihan,
Kahit wala na ang tiwala ng bayan.
 
Maraming opisyal sa ating gobyerno,
At ang mambabatas sa ating kongreso;
Dahil kapanalig ni Gloria Arroyo
Ay ayaw makinig sa sigaw ng tao.
 
Masakit sabihin na ang Pilipinas,
Ay bayang sagana sa lungkot at hirap;
Ang sanhi ay dahil marami ang "Hudas"
Na sa gobyerno ay sobrang mangulimbat..

. . . Cayetano G. Santos, M. D.
      Tallahassee, Florida. 

- "Bribery in Malacañan" was published in Tambuli Spring 2008.